The World is an Apple Translation
Ang Mundo ay Mansanas
Salin ni: Lanie Lyn T. Mendoza
Mga Tauhan:
Mario
Gloria
Pablo
Tagpo:
Isang barong-barong ang nakatayo sa likod ng pader ng Intramuros . May Dalawang kahoy na kahon na nakaharang sa pintuan. Sa kaliwa, may puno ng Akasya at bangkito sa lilim nito
Papasok si Mario. Kupas ang damit at mahaba ang buhok na mukhang hindi nakapag-pagupit ng ilang Linggo. Ilalagay ang bag sa bangkito, uupo, maghuhubas ng sapatos at ilalagay sa loob ng bag nito.
Gloria: (tawag mula sa loob ng
bahay) Mario! Ikaw na ba ‘yan Mario?
Mario: Oo….
Gloria: ( Lumabas si Gloria na nagpupunas ng kamay sa kanyang damit. Siya ay maliit na babae, mahaba ang buhok at halos kaedad din ni Mario.
Mabuti naman at maaga kang umuwi.
Mario: Kumusta si Tita?
(pumasok sa bahay na hindi naghihintay ng sagot.)
Gloria: (Tatawid sa bangkito)
Huwag mo na siyang gisingin, Mario. Pagod iyon dahil sa kaiiiyak maghapon.
Mario: (bumalik, tumawid at naupo sa kabilang dulo ng bangkito.
Kumakain ba siya nang mabuti?
Gloria: Ayaw nga niyang kumain kahit isang subo ng lugaw e. Pero ibibili
Ko siya ng biskwit, baka sakaling kumain.
( Dudukot ng pera mula sa bulsa ng pang-itaas na damit ni Mario.
Kukuha na ako ng pera ha!
Mario: (tumayo, galit)Gloria! Hindi ka ba makapaghintay?
Gloria: ( mapapaurong)
Oy, anong problema? Bakit bigla ka na lang naging sensitibo sa bagay
na iyan?
Mario: At bakit, hindi? Kinakausap kita tungkol sa bata, tapos
manggugulo ka dahil sa pera. Sana mas pahala-gahan mo ang anak
natin.
Gloria: (gigitna)Diyos ko!Hindi ko ba siya iniisip? Bakit kaya sa
palagay mo kailangan ko ng pera? Para bumili ng damit o manood ng
sine?
Mario: Hinaan mo ang boses mo. Magigising mo ang bata.
Gloria:(Mahina ngunit may diin)Konting halaga lang ang kailangan ko para
pambili ng makakain ng anak mo. Wala pang laman ang
tiyan niya sa buong araw. Iyon ang dahilan kaya “ginugulo kita!
Mario: (nagsisisi)Patawad Gloria.. (hinawakan siya sa braso)
Gloria: Okey lang, Mario! Ngayon, pwede mo na ba akong bigyan ng pera?
Mario:( titingin sa kanya)Pera? A..wala akong pera..wala pa.
Gloria: Mario, araw ng sweldo ngayon.
Mario: Oo nga…pero..
Gloria: Pero ano? Nasaan ang sweldo mo ngayong Linggo?
Mario: Wala…sa akin.
Gloria: Ano? Hinintay kita nang buong araw tapos sasabihin mo sa akin..
Mario: (Galit) na wala akong pera!Wala! Anong gusto mong gawin ko,
magnakaw?
Gloria: Hindi ko sinabing gawin mo iyon. Gusto ko lang malaman kung
anong ginawa mo sa pera mo!
Mario: (uupo sa bangkito)Walang natira sa pera ko
Gloria: Wala? Anong nangyari?
Mario: Nakainom ako ng konti kasama ang mga kaibigan ko. Di ko
namalayan, ubos na pala ang pera ko.
Gloria:( Tinitigan si Mario)Mario, akala mo ba maloloko mo ako? Hindi
ba’t nakita kitang lasing dati: gumagapang ka
pauwi katulad ng ahas na sugatan at umaalingasaw
ng alkohol na parang ospital. Hindi ka naman mukhang nakainom
ngayon.
Mario: Sige na nga, hindi na ako nakainom.
Gloria: Pero ang sweldo mo- anong nangyari doon?
Mario: Mas mabuting hindi mo na malaman pa, Gloria
Gloria: Mario, asawa mo ako. May karapatan ako sa kalahati ng lahat ng
kinikita mo. Kung hindi komakukuha ang parte ko,kahit paano, may
karapa-tan akong malaman kung saan napunta iyon.
Mario: Okey!( tumayo) Ginastos ko lahat sa babae.
Gloria: Babae?Hindi ako naniniwala. Alam kong hindi mo gagawin iyon.
Mario: Hindi ko alam na malaki pala ang tiwala mo sa akin.
Gloria: Hindi, Mario, ang ibig kong sabihin, hindi mo uubusin ang pera mo
kung alam mong kakailanganin ng anak mo. Mahal na mahal mo siya para gawin mo iyon.
Uupo at sasapuhin ng dalawang kamay ang kanyang ulo. Lalapit si Gloria at ipapatong ang kamay sa balikat ni Mario.
Gloria: Anong problema, Mario?
Mario: (nag-iwas ng tingin)Wala, Gloria, wala.
Gloria: (tumabi sa asawa) Alam kong may problema. Mario,
nararamdaman ko. Sabihin mo na sa akin kung ano iyon.
Mario: (tumingin sa sahig) Gloria, wala na akong trabaho.
Gloria: (Napatayo) Ano?
Mario: (tumingin sa asawa)Totoo, Gloria.
Gloria: E, iyong sweldo mo ngayong Linggo?
Mario: Noong isang Linggo pa ako nawalan ng trabaho.
Gloria: At ni hindi mo sinasabi sa akin.
Mario: Akala ko kasi makakakita ako ng trabaho, nang hindi ka mag-
aalala.
Gloria: Akala mo ba makakakita ka ng bagong trabaho sa loob ng limang
buwan. E, ganoon katagal ka rin bago nagka-trabaho.
Mario: Hindi naman aabutin nang ganoon katagal.
Gloria:Paano nangyari iyon? Mario! Ano na namang kabulastugan ang dala
ng mga kamay mong makasalanan?
Mario:Ngayon,Gloria huwag mong subukang pagbintangan din ako katulad
ng ginawa nila.
Gloria: Anong ibinintang nila sa iyo?
Mario: E, di kung ano ang gusto mong palabasin,pangungupit yan ang sabi
nila.
Gloria: Ano pa nga ang ibang tawag doon? (mag-iisip)Ano? Nagnakaw ka
daw?
Mario: (Mahina ang boses)Wala iyon!
Gloria: Ano iyon?
Mario: Isang mansanas!
Gloria: mansanas! Ang ibig mong sabihin-
Mario: Mansanas, di mo ba alam kung ano ang mansanas?
Gloria: Ang ibig mong sabihin, kumuha ka ng mansanas?
Mario: Oo,at tinanggal nila ako sa trabaho dahil doon,
dahil sa pagkuha ng isang pirasong mansanas, hindi
isang dosena,o isang kahon.
Gloria: Iyan ang napala mo….
Mario: Alam ko ba na gagawin nila iyon dahil lang sa isang mansanas? Eh,
ang dami-dami namang mansanas doon. Hinihila namin iyon papunta
sa kamalig.May nakita akong isang mansanas na gumulong mula sa
sirang kahon. Ang laki niyon. Biglang natagpuan ko nalang ang sarili ko na inilalagay ang mansanas sa loob ng baunan ko.
Gloria: Iyan ang hirap sa iyo,kapag naisip mo ang tiyan mo, wala ka nang
naiisip na iba,
Mario: Hindi ko iniisip ang sarili ko.
Gloria: Sino ang iniisip mo- ako? Nanghingi ba ako ng
mansanas?
Mario: OO, siya….. Naalala mo noong lumabas kami ng anak mo para
mamasyal? Habang pauwi, may nadaanan kaming tindahan na
nagbebenta ng masasarap na mansanas sa halagang pitumpong sentimo
bawat isa. Nag- pabili siya, pero wala akong ganoong halaga. Ang ginawa
ko, ibinili ko niyong maliliit na berdeng mansanas na ibinebenta diyan sa
bangketa pero ibinato niya lang at sinabing hindi raw totoong mansanas
iyon. Umiyak siya.( tumigil sandali) Kaya noong nakita ko ang mansanas na
gumulong mula sa kahon, naisip ko,magugustuhan ni Tita iyon
Gloria: Bakit hindi ka na lang nag-uwi ng pandesal, bigas o di kaya’y
gatas at hindi iyong masasarap na mansanas. Hindi tayo mayaman.
Mabubuhay tayo nang walang mga mansanas.
Mario: Bakit?Nilikha ba ng Diyos ang prutas na iyan para
sa mga mayayaman lang? Hindi ba’t nilikha niya ang
buong mundo para sa lahat. Iyan ang dahilan kung bakit gusto kong
dalhan ng mansanas si Tita.Nang ipinanganak siya, parang ipinangako
na rin natin na ibibigay natin ang lahat sa kanya. Gloria: Kaya, dahil sa inuuod na mansanas, nawalan ka ng trabaho.
Mario: Wala akong pakiaalam kahit ilan pang trabaho ang mawala sa akin
dahil sa mansanas para sa anak ko.
Gloria: Nasaan na ang mansanas? Naiuwi mo ba para kay Tita?
( Tumawid sa bangkito para kunin ang baunan.)
Mario: Hindi, itinago nila para daw may ebidensiya.( Naupo)
Gloria: Nakita mo na? Nawalan ka ng trabaho dahil sa
pangungupit ng mansanas, at naiwala mo rin ang mansanas
na dahilan ng pagkawala ng trabaho mo.( Itinabi ni Gloria
ang sapatos at baunan. Umupo sa hagdan, sandaling namayani ang katahimikan sa dalawa.)
Gloria:(Napatayo)Pangungupit ng mansanas, napakaliit na dahilan niyon
para tanggalin ang isang dukha sa trabaho. Makiusap kang pagbigyan
ka nila Mario.
Mario: Hindi nila gagawin iyon.
Gloria: Bakit hindi?
Mario: Hindi mo ba nakikita na matagal na silang nag-
hihintay na magkamali ako katulad ng nangyari? Gusto nilang
matanggal ako kahit anuman ang dahilan, para maipasok
nila ang mga tao nila.
Gloria: Dapat magreklamo ka..
Mario: Kapag ginawa ko iyon kakalkalin nila ang rekord ko sa pulisya.
Gloria: Pero Mario, matagal na iyon. Bakit naman nila
kakalkalin ang mga ganoong bagay? Gagawin nila ang lahat para
hindi ako makabalik. Pero, huwag kang mag-alala, makakakita
din ako ng trabaho. Hindi naman mahirap maghanap
ng trabaho ngayon.( nag- iwas ng tingin)Alam mo, isang Linggo na
akong naghahanap ng trabaho at sa palagay ko’y nakakita na ako
ng magandang trabaho.
Gloria: Nagsisinungaling ka na naman!
Mario: Maniwala ka, hindi ako nagsisinungaling sa pagkakataong ito.
Gloria: Palagi ka namang nagsisinungaling- Hindi ko alam kung kailan ka
nag-sasabi ng totoo o hindi.
Mario: Ang totoo,makikipagkita ako mamayang gabi sa isang taong may
alam na kompanya na nangangailangan ng panggabing
tagabantay.
Gloria: ( hinawakan sa kamay si Mario) Totoo?
Mario: (iniwasan ang tingin ng asawa) Totoo
Gloria: Alam kong hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Wala siyang
pinababayaan. Ipagdarasal ko na matanggap ka sa trabahong iyan.
(Napatingin kay Mario)
Pero, Mario ang ibig sabihin, buong gabi kang nasa labas?
Mario: Walang kaso iyon. Pwede naman akong matulog sa araw.
Gloria:( Hinimas siya na parang pusa) Ang ibig kong sabihin, iba kapag hindi
kita kasama sa gabi.( lalayo) Pero, siguro masasanay din ako.
( pupunta sa gitna at iikot)
Bakit di mo pa puntahan ang kaibigan mo ngayon? Wala ka
namang gagawin mamayang gabi. Hindi ba mas magandang
puntahan mo na siya habang maaga pa.
Mario: A—Oo, siguro nga mas magandang gawin ko iyan.
( Pupunta sa may hagdan at kukunin ang sapatos, kasunod si Mario)
Gloria: (ibinigay ang sapatos) Ito, o, isuot mo iyan at umalis ka na,
aakyat na rin ako at hihintayin kita. ( naupo sa hagdan at pinanood ang asawa)
Mario: (nagsusuot ng sapatos)Huwag mo na akong
hintayin Gloria. Baka gabihin na ako pag-uwi.
Gloria: Sige..pero di ko alam kung makakaidlip ako hanggang sa pagdating
mo.
( Lumapit si Gloria sa kanyan nang maisuot niya ang sapatos at akmang yayakapin siya asawa pero itinulak niya ang asawa, Nalilito, umupo siya sa hagdan. Tinabihan siya ni Gloria habang nilalaro ang kanyang mga kamay)
Gloria: Mali talaga ang nanay ko. Alam mo ba, bago tayo ikasal lagi
niyang sinasabi “ Gloria isang napakalaking pagkakamali ang gagawin mong pagpapakasal diyan sa walang kwentang lalaking iyan
“ Sana, buhay pa siya, nakita niya sana ang laki ng pagbabago mo.
( May makikita siyang tao na nakakubli sa puno: si Pablo. Kanina pa sila pinanonood. Mas matanda siya kay Mario, nakakatakot ang hitsura at bihis na bihis
Pablo: (Sarkastiko) Hmmm. Napakaromantiko
Mario: Pablo!
(Biglang kinabahan, nagsimulang manginig si Mario. Tumayo si Gloria at pumunta sa gitna, hindi inaalis ang nagbabaga sa galit na ,mga mata. Nagsindi ng sigarilyo si Pablo, hindi rin inaalis ang tingin sa kanya.)
Pablo: Hindi ka natutuwang makita ako, no?
( ipinatong ang paa sa bangkito)
Gloria: (galit) Anong ginagawa mo rito? Anong kailangan mo?
Pablo:Hay! Iyan ba ang tamang paraan ng pagtanggap ng isang kaibigang
bumibisita?
Gloria: Wala kaming pakiaalam sa pagbisita mo.
Pablo: Hindi ka nagbago kahit konti, Gloria..hindi kahit konti.
Gloria: Ikaw din, walang pagbabago, nakikita ko.
Pablo: Ikaw pa rin ang iyong babaeng nagsumpa sa akin dahil naging
kaibigan ako ni Mario bago pa man kayo nagkakilala. Hindi napagbago
ng panahon ang ugali mo sa akin.Galit ka pa rin sa akin, ano?
Gloria: Oo!At sana huwag ka nang lalapit sa amin habang buhay.
Pablo: Hindi pa ba ako lumalayo sa iyo?
Gloria: Kung ganoon, bakit nandito ka?
Pablo: Hindi ba ako pwedeng pumunta sa inyo paminsan- minsan, para
alamin kung naging mabuti ba ang buhay sa inyo. Paano kayo
nakakaraos?
Gloria: (Nanlilibak) Mabuti naman kami hanggang sa nagpakita ka.
Pablo: Ang anak mo-ganito pa lang siya katangkad nang
huling Makita ko- kamusta na siya?
Gloria: Mabuti naman siya.
Pablo: O..Akala ko, hindi maayos ang kalagayan niya.
Gloria: (Nagdududa) Paano mo nalaman?(Kay Mario) Sinabi mo sa kanya?
Mario: Ako..Paano ko gagawin iyon? Hindi nga kami nagkita nang
matagal..(naupo) hanggang sa ngayon siyempre.
Pablo: Ano? May sakit ba siya?
Gloria: (Paasik) Hindi namin Alam!
Pablo: Sa palagay mo, kailangan na kaya siyang
dalhin sa doctor?( ibinaba ang paa at inilabas ang pitaka) Heto,
pahihiramin kita ng konting halaga. Pwedeng makatulong ito
Para gumaling ang anak mo.
Gloria: (Paasik)Kailangan nga namin iyan- pero salamat na kang
Pablo: Bakit ayaw mong kunin ito?
Gloria: Ang pagbabayad sa iyo ay nangangahulugang
makikita ko ulit ang pagmumukha mo.
Pablo: Kung ganyan ka-laki ang galit mo sa pagmumukha, e di, huwag mo
na akong bayaran.
Gloria: Dahil diyan, kaya mas kailangan kong tanggihan iyan.
Pablo: Okey, kung iyan ang gusto mo. ( naupo at ilaro ang pitaka)
Gloria: Hindi na umaasa sa iyo si Mario simula nang ilayo ko siya sa mga
kuko mo. Wala akong pinagsisisihan.
Pablo: Paano si Mario? Wala din ba siyang pinagsisihan?
Gloria: Wala!
Pablo: Paano ka nakakatiyak? Noong magkaibigan pa kami, nakakapunta
kami sa mga malamig at mamahaling sinehan. Ipupusta ko ang lahat
ng pera ko dito na hindi siya nakapunta doon simula ng “palayain” mo
siya mula sa akin. At mga apat na taon na ang nagdaan ha..
Gloria: Hindi umaasa nang malaki ang sinuman sa
sa malinis na pera – at kami ay hindi.
Pablo: (Tumayo at naglakad-lakad) Anong matapat na pera?
Mas maganda ba ang hitsura niyon kaysa sa sinungaling na pera?
Mas marami bang nabibili iyon? katotohanan?
Ano iyon? Nagdadamit ka ng katulad niyan?Nakatira
kayo sa dito sa gubat na tinatawag niyong bahay?
Iyan ba ang tinatawag niyong ‘ katapatan”?
Mario: ( Tumayo) Pablo!
Pablo: Tingnan mo ang nangyari sa anak mo.
Iyan ang nagagawa ng katapatan sa kanya. At
paano siya matutulungan ng katapatan ngayon?
Wala siyang sakit at hindi niya kailangan ng gamot.
Alam mo yan. Alam na alam mo na ang kailangan
niya ay pagkain. Masustansiyang pagkain. Mario: Pablo!
Gloria: Alam kong pumunta ka dito para yayain siyang muli sa madumi
mong gawain, pero hindi mo magagawa iyon. Hindi siya makikinig sa
iyo. Narating na namin ang puntong ito at patuloy kaming mabubuhay
nang walang tulong galing sa iyo.
Pablo: ( Nang-uuyam) Buhay ba tawag mo dito. Ang
tawag dito.. Gloria ay dahan-dahang pagkamatay. Mario: (Lumapit at niyugyog siya)Pablo, tumigil ka na! hindi ka na dapat pumunta dito. Pablo: Nainip ako sa paghihintay sa iyo Gloria: Kung ganon nagkikita pala kayo. Iyan na nga ang ikinatatakot ko.
Pablo: Pumunta siya sa bahay kagabi.
Mario: Pablo, huwag
Pablo: (hindi pinansin si Mario)Sabi niya babalik siya
kaninang tanghali, pero hindi na siya nagpakita.
Pumunta ako dahil natatakot akong baka
nakukunsiyensiya na naman siya.
Mario: Pablo, sabi ko, hindi niya dapat malaman.
Pablo: Okey lang iyan Mario, Mas mabuting sabihin mo
sa kanya ang lahat. Malalaman din naman niya kinalaunan. Sabihin mo
sa kanya ang sinabi mo sa akin kanina: na hindi ka na naniniwala sa
paraan ng pamumuhay na gusto niya. Sabihin mo.
Tumalikod si Mario sa kanila.
Gloria: Mario.. ito ba ang tinutukoy mong bagong trabaho?
Mario: Gloria, sana maintindihan mo.. sinubukan ko..pero
hindi ko maiahon ang pamilya natin sa ganitong uri ng buhay.
Gloria:( Sinigawan si Pablo) Ikaw ang dapat sisihin nito!
Pablo: Siya ang pumunta sa akin-
Gloria: Kahit alam mong gagawin niya ang
lahat..kahit ang bumalik sa buhay na ayaw niya. Lumayas ka!
Pablo: Aalis ako- kapag handa na rin si Mario na umalis.
Gloria: Hindi siya sasama sa iyo.
Pablo: Talaga? Bakit hindi mo siya tanungin?
Gloria: (Kay Mario) Hindi ka sasama sa kanya. Hindi ba Mario? Sabihin mo sa kanyang iwan niya na tayo at huwag na siyang
babalik. Alam kong kinausap ka niya at sinubukang lasunin ang
isipan mo, pero huwag kang sasama sa kanya Mario.
Mario: (hinawakan siya) Gloria..ako ay.
Pablo: Huwag kang mag-aalala sa kanya Gloria, ligtas siya sa akin..
Mario: (Hinila siya palayo) Diyan ka lang Pablo. Pupuntahan kita maya-
maya.( pinigilan siya)
Mario: Gloria, sasama ako sa kanya.
Gloria: huwag, Mario, huwag
Mario: Hindi mo na ako mapipigilan ngayon. Napag-isipan ko na ito
noong isang Linggo.
Gloria: Hindi, Mario, hindi…….
Mario: Alagaan mo ang sarili mo at ang anak natin.Ako na ang bahala sa
sarili ko. Huwag mo na akong hintayin.. Gagabihin ako sa pag-uwi.
Umalis si Mario kasama si Pablo. Pinanood sila ni Gloria na walang magawa kundi sumigaw)
Gloria: Marioooooooooo!
( Tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang damit at umiyak doon. Mula sa loob ng bahay ang kanyang anak ay kasabay niyang umiiyak hanggang sa pagbaba ng kurtina.
EnD