Rama at Sita ( Isang Kabanata)
Epiko- Hindu( India)
Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva
Sa gubat tumira sina Rama, Sita
at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang
babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpanggap lamang ang babae. Siya
ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana na hari ng mga higante at demonyo.
“ Gusto kitang maging asawa,”
sabi nito kay Rama.
Hindi maaari,” sagot ni Rama “ May asawa na
ako.”.
Narinig ni Sita ang dalawa kaya
lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka. Nagselos nang
husto si Surpanaka. Nang dahil sa galit
ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin pero mabilis
na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang
pagdating ni Lakshamanan.
“ Sige patayin mo siya!” sabi ni
Rama.
Binunot ni Lakshamanan ang
kaniyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante.
“ Sino ang may gawa nito?” sigaw
ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid.
Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para
makaganti kay Rama sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandang babae sa
gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang
pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsipe ang kanyang ilong at tenga. “Tulungan
mo ako, Ravana” sabi pa nito. Bihagin mo si Sita para maging asawa mo.” Naniwala naman si Ravana sa kwento ng kapatid.
Pumayag siyang ipaghiganti ito.
Ipinatawag ni Ravana si Maritsa.
May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit na anong anyo at hugis. Nang
malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan tumanggi itong tumulong. “Kakampi nila ang mga Diyos” sabi ni Maritsa.
“Kailangan umisip tayo ng paraan
kung paano makukuha si Sita nang hindi nasasaktan sina Rama” Nakumbinsi naman
si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.
Isang umaga habang namimitas ng
bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina Rama at
Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay.
“Baka higante rin iyan”” paalala ni Lakshamanan. Dahil
mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog.
“ Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang
mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid.
Parang narinig ng usa ang sinabi
ni Rama, agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita.
“ Bilis! Habulin mo ang gintong
usa!”
Matagal na naghintay ang dalawa
pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod
sa gubat.
“Hindi, kailangan kitang
bantayan,” sabi nito.
Ilang oras pa silang naghintay nang
bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot
pero ayaw pa ring umalis ni Lakshamanan kaya nagalit si Sita. “
Siguro gusto mong mamatay si
Rama para ikaw ang maging hari,” sabi nito kay Lakshamanan.
Nasaktan si Lakshamanan sa
bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa
gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ng gubat ay naghihintay si Ravana.
Sa gubat, napatay ni Rama ang gintong
usa at ito ay naging Si Maritsa. Samantala, nagpanggap namang matandang paring Brahmin
si Ravana. Nagsuot ng kulay kahel na
roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana.
“Bibigyan kita ng limang libong alipin at
gagawin kitang reyna ng Lanka” sabi ni Ravana.
Natakot si Sita at nabitiwan ang
hawak na banga. Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana.
Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karwaheng hila ng
mga kabayong may malalapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala
siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan.
Itinapon niya ang mga bulaklak na nasa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay makita
iyon ni Rama para masundan siya at mailigtas.
Mula sa isang mataas na bundok,
narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karwahe ni
Ravana. Pinagtataga ni Ravana at duguan itong bumagsak sa lupa
Pabalik na sina Rama at
Lakshamanan nang makita nila ang naghihingalong agila. ” Dinala ni Ravana ang
asawa mo sa Lanka” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng
agila. Pagkatpos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka , ang
kaharian ng mga higante at demonyo.
“ Mahalin mo lang ako ay
ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan,” sabi ni Ravana. Pero hindi niya
napasuko si Sita.
Hiningi ni Rama ang tulong ng
hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming
kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang
ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.
Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya
Talasalitaan
patibong - bitag
nagpanggap- nagkunwari
nahagip- nadaplisan, natamaan
nakumbinsi - napaniwala
bihagin- ikulong
napasuko- napasunod
Paniniwala,pananampalataya at pakikipagkapwa Nakita sa epiko rama at sita
ReplyDelete