Tuesday, November 11, 2014

Rama at Sita



Rama at Sita ( Isang Kabanata)
Epiko- Hindu( India)
Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva

                Sa gubat tumira sina Rama, Sita at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana na hari ng mga higante at demonyo.



                “ Gusto kitang maging asawa,” sabi nito kay Rama.



                 Hindi maaari,” sagot ni Rama “ May asawa na ako.”.



                Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka. Nagselos nang husto si Surpanaka.  Nang dahil sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang pagdating ni Lakshamanan.



                “ Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama.



                Binunot ni Lakshamanan ang kaniyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante.



                “ Sino ang may gawa nito?” sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid.



                 Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandang babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsipe ang kanyang ilong at tenga. “Tulungan mo ako, Ravana” sabi pa nito. Bihagin mo si Sita para maging asawa mo.”  Naniwala naman si Ravana sa kwento ng kapatid. Pumayag siyang ipaghiganti ito.



                Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit na anong anyo at hugis. Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan tumanggi itong tumulong.  “Kakampi nila ang mga Diyos” sabi ni Maritsa.



                “Kailangan umisip tayo ng paraan kung paano makukuha si Sita nang hindi nasasaktan sina Rama” Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.



                Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang  sungay.



                “Baka higante  rin iyan”” paalala ni Lakshamanan. Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog.



                 “ Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid.



                Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama, agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita.



                “ Bilis! Habulin mo ang gintong usa!”



                Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod sa gubat.



                “Hindi, kailangan kitang bantayan,” sabi nito.



                Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw pa ring umalis ni Lakshamanan kaya nagalit si Sita. “



                Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari,” sabi nito kay Lakshamanan.



                Nasaktan si Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ng gubat ay naghihintay si Ravana.



                Sa gubat, napatay ni Rama ang gintong usa at ito ay naging Si Maritsa. Samantala, nagpanggap namang matandang paring Brahmin si  Ravana. Nagsuot ng kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana.



                 “Bibigyan kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka” sabi ni Ravana.



                Natakot si Sita at nabitiwan ang hawak na banga. Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karwaheng hila ng mga kabayong may malalapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan. Itinapon niya ang mga bulaklak na nasa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay makita iyon ni Rama para masundan siya at mailigtas.



                Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karwahe ni Ravana. Pinagtataga ni Ravana at duguan itong bumagsak sa lupa



                Pabalik na sina Rama at Lakshamanan nang makita nila ang naghihingalong agila. ” Dinala ni Ravana ang asawa mo sa Lanka” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng agila. Pagkatpos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa  Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka , ang kaharian ng mga higante at demonyo.



                “ Mahalin mo lang ako ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan,” sabi ni Ravana. Pero hindi niya napasuko si Sita.



                Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.

                Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya


Talasalitaan

patibong - bitag
nagpanggap- nagkunwari
nahagip- nadaplisan, natamaan
nakumbinsi - napaniwala
bihagin- ikulong
napasuko- napasunod

Sunday, September 14, 2014

Wikang Filipino Para sa Pambansang Pagkakaisa ni Lanie Lyn T. Mendoza










Wikang Pambansa Para sa Pambansang Pagkakaisa
ni: Lanie Lyn T. Mendoza


Nasa inyong harapan  isang mabining paraluman

                         Bumabati sa lahat ng naririto sa bulwagan
                         Magandang umaga po sa aking mga kababayan
                         Sa umagang ito, ako po sana’y inyong pakinggan

Mahigit pitong libo ang mga bayan sa bansa
Iba-ibang dayalekto ang sa iyo’y bubulaga
Bawat isa’y iba ibang pripsipyo’t paniniwala
                          Ngunit  tayo’y iisang liping nilikha ni Bathala

                         Pagkakaiba ng bayang pinagmulan  ba ang problema?
                         O relihiyon at dayalekto 0 ang magkakakontra
                         Iisa ang ating  lipi, iisa ang ating bayan
                         Kaya tayo’y magkaisa, magmahala’t magtulungan 
      

                         Naniniwala tayo na edukasyon ang solusyon
                         Sa kanser ng lipunan na sa atin ay lumalason
                         Paarala’y  inaasahang tutulong sa pagbangon
                         Ng nasyonalismong tila nalimot ng kahapon




Bakit di natin isulong makabayang edukasyon?
Wikang Filipino sa Kolehiyo’y huwag itapon
Aba! mga  kababayan ang wika po’y hindi hipon
                         Na katawan lang ang kailanga’t,  ulo’y itatapon

Pagka-Pilipino mo ba’y tapos na  sa sekundarya?
At pagtuntong ng kolehiyo’y  di na   kailangan pa
Oo nga’t ang wikang Filipinoy  gamit  sa tuwina
Pero marami pa rin ang hindi nakakaunawa


Bakit nangyayari ito sa ating mahal na bayan
Di ba nakakatuwa na may wika tayong sandigan
Gumamit ka ng ibang wika kung kinakailangan
                          Subalit ‘wag isakripisyo ang wikang kinagisnan

Bayan, marami na tayong unos na  pinagdaanan
At ang lahat ng iyon ay ating napagtagumpayan
Wika’y naging sandata  sa ating pakikipaglaban
Naging  tanglaw din sa dumidilim na mga isipan



Ating bansa’y humaharap ngayon sa mga problema
Pagnanakaw, pagpatay..hayy… krimen ay kabi-kabila! 
Mahihirap walang tahanan sa pagkai’y salat pa
Nakakalungkot naman bansa nati’y napariwara   
 

Pagbabago at  kaunlaran, sigaw ng taong bayan
Kasaganaan  at  kasiyahan  sana’y maramdaman
Mga Lider ng pamahalaan, kami ay pakinggan
Tama na ang pagnanakaw sa kaban ng ating bayan


Kapwa ko Pilipino makiisa din tayo sa pamahalaan
Bilhin ang produktong Pinoy  sa mga  pamilihan
Tangkilikin sariling musika’t  iba pang libangan
Tiyak ang pag-angat nitong  ekonomiya ng bayan
 

Kasarinlan at kapayapaan sigaw din ni Juan
Huwag pagagapi sa mapag-angking  mga  dayuhan
Magkaisa at  ipaglaban ang ating karapatan
Gamitin sariling lakas at huwag mag-alinlangan


Ang solusyon ng iba ay lisanin ang sintang bayan
Mag-tiis sa lungkot at magsilbi sa mga dayuhan
Ito  ba’y sagot  sa kaguluha’t  sakit ng  sikmura?
Teka , diba ang pag-uusap ay solusyong mabisa?
 
Wika ni Lope K. Santos  sa tulang  Ako’y si Wika
“Sa Tuyot na pagsasama’y panariwang dugo’t dagta
Bumubuhay at namamatay,bumubuo’t sumisira”
Iyan ang kapangyarihang taglay ng wikang biyaya


Wika ang nagpunla ng dunong sa mangmang na  isipan
Wika ang bumuo sa mga pangarap na nakamtan
Wika ang nagpahilom sa mga pusong nasugatan
Wika din ang pangunahing sangkap sa pagmamahalan


Di nga matatawaran ang kapangyarihan ng wika
Kung kaya nitong bumuo, kaya rin nitong sumira
Tila ba espadang humihiwa sa gitna ng madla
Minsa’y nagdudulot ng saya, minsan ay  pagkasuya


Sa anumang usapin kung gamit ang sariling wika
Mas nagiging malawak ang ating pang-unawa
May kurot sa puso  ng lahat lalo na sa matanda
Tumatagos  ang salita  anuman ang maging paksa


Kaya lang, pagkakaunawaa’y  wala ring magagawa
Kung magbubulag-bulagan ka sa iyong nakikita
Magtataingang kawali sa sinasabi ng madla
Hindi makikialam  at magsasawalang bahala


Kahit ang walis tingting ay mahina kapag nag-iisa
Pero pag pinagsama-sama, maraming nagagawa
Ang isang hiblang sinulid ay marupok at mahina
Kapag pinagsama-sama, hindi madaling masira


Ganyan din ang mga Pilipino kapag nagkaisa
Di kayang buwagin ng anumang uri ng problema
Basta’t may wikang kumukurot  at   nagpapaalala
Ng ating layuning para sa kabutihan ng masa


Anuman ang gawin, alinmang  landas ang tatahakin
Pagpapahalaga sa wika’y huwag nating limutin
Pinoy’ pagbubuklurin, pag-iisahi’t  bibigkisin
Para sa maunlad, masagana’t magandang  tunguhin